Tuesday, April 1, 2008

Mga Babae ng Pagnenegosyo

1 comment:

sora-chan said...
This comment has been removed by the author.
"Woman is the companion of man, gifted with equal mental capacity." -Mohandas K. Gandhi

Introduksyon Hinggil sa Kababaihan

Bago dumako sa pinakalalaman, bibigyang-kahulugan muna ang isang napakahalagang termino na makabuluhan sa buong kurso ng pananaliksik. Pamuhatan ng Salita: Ang salitang kababaihan o "woman" ay nagmula sa O.E. (Old English) na salitang "wifman" (wife + man). Noong sinaunang panahon pa lamang, ang mga kababaihan ay may nakaukit nang ginagampanan sa kultura. Ang mga kalalakihan ay ang mga gumagawa ng mas mahihirap na gawain at ang mga kababaihan naman ay sa mga magagaan tulad na lamang ng mga gawaing-bahay.

Kumpara sa nakaugaliang kultura, ang katayuan ng kababaihan ngayon ay hindi na nalilihis sa mga kalalakihan sa lipunan. Kung ano ang kaya ng lalaki ay siyang kakayanan din ng babae. Sa iba't ibang aspeto ng sosyedad ay may angkop na lugar para sa kababaihan tulad ng politika, negosyo o ugnayang komersyo.

Sa kasalukuyan, hindi makakaila na malaking porsyente ng mga kababaihan ang nasa larangan ng pagnenegosyo at marami sa kanila ang nagtagumpay at kasalukuyang pinalalaki pa ang mga negosyo. Ang mga kababaihan ay mayroong mga natural na katangian na nagbibigay-daan upang mapalago ang kanilang mga negosyo. Marami sa kanila ang may-ari ng mga negosyong akma sa kanilang angking kahigitan- ito ang mga natural na katangian. Ayon kay Ma. Salve Duplito (editor, INQUIRER) ang mga babae sa paraan ng pagtanggap ng lipunan ay sinasabing sentimental at mahinahon, malikhain, may kakayahang gumawa ng mga magkasabay na gawain o "multi-task", pinag-iisipang maigi ang mga kilos at naniniwala sa mga kutob o "women's intuition", kampante at asertibo, at prangka. Iilan lamang ang mga ito sa mga natural na katangiang naipapakita ng mga kababaihan. Sa malawakan, ang mga babae ang madalas humahawak ng salapi ng buong pamilya at mas marunong sila humawak ng pera. Ito'y isang malawakang ideya lamang, pangkalahatan. Marami na rin sa mga kababaihan ngayon ang pumasok sa negosyo na karaniwang pinanghahawakan ng mga kalalakihan. Ang halimbawa nito ay si Bb. Elizabeth Lee, pangulo ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc., at "executive vice-president" ng Universal Motors Corporation.

Ang pag-aaral na ito ay sisikaping sagutin ang mga katanungang ito:
1.) Sa kasalukuyan, ano na ang kalagayan o antas ng mga kababaihan sa lipunan?
2.) Ano ang ilan sa mga katangian ng mga kababaihan ang naghahatid sa kanila ng kahigitan sa negosyo?
3.) Ano ang ilan sa mga negosyong maaaring suungin ng mga kababaihan?

Layunin ng pananaliksik na ito ay:
1.) Ipakita ang kahalagahan ng mga kababaihan sa lipunan at negosyo.
2.) Ipakita ang kahigitan ng mga kababaihan sa larangan ng negosyo.
3.) Magbigay ng mga kilalang kababaihan na sumuong at naging matagumpay sa negosyo.

Katawan ng Pananaliksik

s

"Gender Role" at Feminismo

Ano nga ba ang "gender role"? Ayon kay Talcott Parson ng USA, ang bumuo ng konsepto ng "nuclear family" noong 1955, ang "gender role" ay mga nakatakdang kamalayan ng pamantayan ng pag-uugali(norms) ng isang grupo sa lipunan partikular ang kasarian ng lalaki at babae. Para sa mas malinaw na pagpapaliwanag, tinatawag ang karakter na ito bilang "behavioral norms". Dito nakabase ang kaayusan ng mga aktibidad ng dalawang pangkat, lalaki at babae, at mga itinakdang batas at balyus sa lipunan.

Ang kilusang feminismo ay naipakilala noong 1960's. Maraming mga feminista ang nakikipagtalo hinggil sa pagiging opresib at mapaniil ng tradisyunal na posisyon ng mga kababaihan sa lipunan. Sa pagdaan ng mga taon, nabigyang-solusyon ang problemang ito at naipakilala ang bagong imahe ng babae sa sosyedad. Ayon kay Viola Klein, awtor ng "Women's two roles: Home and Work", ang karakter ng kababaihan ay nahahati sa dalawa. Sa lipunan, may tinatawag na "stay-at-home mother" at "career or business woman". Sa kasalukuyan, mayroong kalayaan ang bawat babae na pumili kung saan siya lulugar sa lipunan. Hanggang ngayon, may iilan pang diskriminasyon laban sa kababaihan at sa kanilang "gender role" at patuloy na ipinapaglaban ang respeto at karapatan sa lipunan.

Larangan ng Pagnenegosyo

Ang negosyo ay laging nagsisimula sa maliit kahit gaano na ito kalaki at kapopular sa kasalukuyan. Ito'y isang mahalagang batas sa larangan ng pagnenegosyo. Dito, ipakikita ang ilan sa mga matagumpay na babaeng negosyente. Ayon sa "Georgia State University, the Institute of International Business and the Herman J. Russel Sr. International Center for Entrepreneurship", 51% ng mga negosyante sa Pilipinas ay mga kababaihan. Ito'y magandang bilang ng mga kababaihan na nasa pumasok sa negosyo upang ipakita ang kanilang kahigitan at kakayahan.

Gloria Cabrera Salon and Spa



PhotobucketPagkatapos makapagmay-ari ng isang matagumpay na salon dito sa Pilipinas, pumunta si Bb. Gloria Cabrera sa New York, USA upang simulan ang matagal nang pinapangarap. Taglay ang higit sa 30 taon kasanayan at karanasan, 3 salon at spa sa US, at ang kanyang sariling "Hair and Skin Care Line", talaga namang ipinakilala niya ang sarili bilang isang maipagmamalaking Pinoy at tunay na batikan sa nasabing larangan. Isa pang bagay na maipagmamalaki hinggil sa tagumpay ni Bb. Cabrera, ang kanyang negosyo ay hindi lamang para sa mga Pinoy kung hindi pang-internasyonal pa.



Ms. Elizabeth Lee(Senior Vice President), Universal Motors Corporation, Philippines

PhotobucketSi Bb. Elizabeth Lee ay kasalukuyang SVP ng Univ. Motors Corp., ang nag-iisang 100% Filipino-owned na pabrikante ng mga sasakyan at ahente ng Nissan light commercial vehicles sa Pilipinas. Sa UMC, si Bb. Lee ang nagsasagawa ng paglikha ng mga pangunahing mithiin, mga panandalian at pangmatagalang layunin, pag-iimplementa ng mga plano para sa kompanya at tagasaayos ng mga "marketing activities" para sa mga serbisyo at produkto ng Nissan.

Pacita Juan, Figaro Coffee Company

PhotobucketAng Figaro Coffee ay madalas na pinagkakamalan bilang isang dayuhang brand. Ito ay isang lokal na negosyo na pagmamay-ari ni Bb. Pacita Juan. Malaki ang pasyon niya para sa lokal "coffee planters" sa bansa. Dahil dito nais niyang mapaunlad ang kanilang kalagayan at sa tulong ng kanyang negosyo ay maipapatupad niya ito. Ang Figaro ngayon ay ang pangalawang pinakamalaking "coffee shop chain" sa bansa na may 30% "market share". Higit sa 30 ang "branches" nito sa bansa at isa sa Hong Kong.



Soccoro Ramos, National Bookstore

PhotobucketNaumpisahan ni Bb. Socorro Ramos ang National Book Store noong sila'y magpakasal ng kanyang kabiyak, Jose Ramos. Ang "bookstore" na ito ay dating pagmamay-ari ng kanyang kapatid. Dito ay nagtrabaho siya at sa kanyang pagpupursigi ay siya ang naging tagapamahala nito. 65 na taon nang pagmamay-ari ng mag-asawa ang National Bookstore. Hanggang sa kasalukuyan ay nais pa nila palawakin at gawing 100 ang mga "branches" mula sa 75 ang negosyo.

Mga Panayam sa mga Batikan

.

Cary Ann Punsalan (Ogie's Pet Shop)

Photobucket

Si Gng. Punsalan ay nagtapos ng kursong "Hotel & Restaurant Management" sa Baguio. Naging "operations manager" siya ng "Forever Living Products" na siyang "product center" sa Baguio noong 1992-1994. Nasubukan rin niya ang "direct selling at handicraft". Nakapagtayo siya ng tanyag na "pet shop" sa Pampanga dahil sa karanasan sa "pet breeding". Ganoon rin ang linya ng ekspertis ng kanyang asawa at nagsimula ito ng taong 2002.


Nasabi ni Gng. Punsalan na naging matagumpay ang kanyang negosyo dahil sa matindi niyang pagtitiyaga at pagiging ismarte sa pakikipagkomunikasyon. Bakit matinding pagtitiyaga? Ayon kay Gng. Punsalan, likas ito sa mga kababaihan. Una, pagtitiyaga sa pag-aalaga ng mga hayop at sa pag-"breed" ng mga ito. At ang isa'y pagtitiyaga sa mga mamimili. Maraming mga komento ang binibitiwan ng mga kostumers, maaaring positibo at negatibo. Kung anuman, handa siyang tanggapin ang mga ito at gamitin upang lalo pang mapaunlad ang negosyo base sa mga sinasabi ng mga kostumers.


Erlinda G. Liwanag

Photobucket

Sa kasalukuyan, si Bb. Liwanag, 56 yrs. old, ay mayroong tatlong negosyong pinanghahawakan, "commercial space, retail and wholesale, and handicraft". Bago makapagnegosyo ay namasukan siya bilang "manager" sa "GUB Handicraft" mula 1969-1973. Dito niya nakuha at natutunan ang mga istratehiyang mahalaga sa uri ng negosyong pinanghahawakan. Ilan sa mga istratehiyang ginagamit niya ay ang pag-"canvas" ng "good quality cheap wood", pagpapataw ng mga "reasonable and competent prices", at higit sa lahat ang dedikasyon at pagmamahal sa ginagawa na kung sa madalas ay ang gabi'y ginagawang araw. Para sa eksport ang kanyang handicraft sa U.S., Japan, at lokal (Pamapanga, Manila, Baguio, at Laguna).

Bilang isang negosyanteng Pilipina, ipinagmamalaki niyang marami ang kahigitan ng kababaihan na nagagamit sa negosyo. Pagiging masinop at matipid (good budgetting) ang madalas na nakikita sa kababaihan na siya namang isinasagawa ni Bb. Liwanag. Kung hindi kailangan ay hindi ibinibili o walang mga luho si Bb. Liwanag. Ang higit na ipinamamalas ng negosyante ay ang 'di-pagkakaroon ng mga bisyo na sadyang nakita niya na malaking aberya sa mabuting pamamalakad sa negosyo.

Jane Redulla (LucJan Purified Water Station)


Photobucket

Sinimulan ni Gng. Redulla ang kanyang "water station" mula taong 2003 hanggang kasalukuyan. Makikita ito sa : 1467D New Jersey St., Calulut, City of San Fernando Pampanga. Binibigyang-diin niya ang magaling na "marketing strategy" sa paghawak ng negosyo. Kasama rito ang kalidad ng produkto na siguradong ligtas at sigurado, at papasa sa mga eksaminasyon(laboratory tests) ang kanyang mga produkto lalo't ito'y kritikal sa kalusugan ng kanyang mga mamimili. Aniya, nararapat na naaangkop at rasonable ang presyo ng produkto at hindi iyong mamamantala sa kapwa.

Ayon kay Gng. Redulla, kahigitan ng isang negosyanteng Pilipina ang likas na pagiging malawak ang pag-iisip(open-minded), handang tumanggap ng mga suhestiyon, matiyaga, at "approachable" ng kapwa- empleyado, kostumer, at kliyente. "Handa dapat sa pagbabago sa negosyo dahil ang demand ng tao ay patuloy na nagbabago sa takbo ng panahon", sabi ni Gng. Redulla. Kung ika'y handa, maging masusi at mabusisi sa mga pagbabagong ipapatupad. Binanggit niyang isaisip ang kapakanan ng mga kostumer at kung maaari'y personal na tanungin kung kalugud-lugod na ba ang iyong produkto.

Marie M. Buan (Fax 'N Carry Express, Inc.)

Photobucket

Si Gng. Buan ay nagmamay-ari ng isang "courier business". Ito'y "one-stop shop door-to-door shipment business". May sarili itong "internet service booth, fax services, at international & local call service" na makatutulong sa mga kostumer at kliyente nito habang ginagawa ang transaksyon sa negosyo. Lakas-loob na ipinagmamalaki ni Gng. Buan ang magandang lokasyon ng kanyang negosyo, mabilis, maingat, at mapagkakatiwalaang serbisyo. Dahil na rin ito sa tulong ng "UPS shipment company contract" na pinanghahawakan ng negosyo kaya't malaki ang tiwala ng kanyang mga kliyente. Higit rin niyang pinahahalagahan ang "convenience" para sa kanyang mga kostumers.

Ayon kay Gng. Buan, prominente sa mga kababaihan ang pagtataglay ng malakas na personalidad at "good public relations". Sana'y tayong tinatawag itong "PR". "Kahit sa anumang uri ng negosyo, kinakailangan ang tibay ng loob at paninindigan. Kung ito'y paiiralin, matututo kang mag-survive sa negosyo. Upang mahikayat ang mga kostumer na maging regular na mga kliyente, dapat meron kang PR", sabi ni Gng. Buan. Isang magandang konklusyon ay positibo ito sa karamihan ng mga kababaihan sa loob ng pagnenegosyo.

Kongklusyon at Rekomendasyon

1.) Huwag mamaliitin ang mga kakayahan ng mga kababaihan sa anumang aspeto higit na sa pagnenegosyo. Ang mga kababaihan ay mayroong mga likas na katangian, ganoon din ang mga kalalakihan at lahat tayo ay mayroong kanya-kanyang kahigitan at abilidad.

2.) Ang paghuhusga ay hindi nakasasama kung ito’y magdudulot na kabutihan at kasaganahan sa negosyo at karakter ng isang tao.

3.) Lahat ng kababaihan ay nararapat na bigyan ng respeto lalo’t na kung ang tema ay hinggil sa kanilang kakayahan at “gender role”.

4.) Sa pagnenegosyo, magkaroon ng sapat na kumpiyansa, motibasyon, at lakas ng loob kung nais na ito’y maging matagumpay. Bago sumuong sa isang negosyo, pag-aralan muna itong mabuti at bigyan ng sapat na oras upang suriin at ng malalim na pag-aanalisa.

5.) Bigyan ng konsiderasyon ang mga tipikal at makabagong pagpaplano bago magtayo ng negosyo at sa kasalukuyang proseso ng pagpapalakad nito.

6.) Para sa mga kalalakihan, huwag punahin ang mga kahinaan ng kababaihan dahil sadyang mga lalaki rin ay mayroong kahinaan at ang mga ito’y gawa ng Diyos upang maipakita ang pagkakaroon ng harmonya sa pagitan ng dalawang kasarian.

7.) Upang matuto sa larangan ng pagnenegosyo, maaaring sumangguni sa mga eksperto, at hindi maipagkakailang marami dito ay mga babae. Nauukol din ito sa uri ng negosyo na itataguyod.